Bubusisiin ng Senado ang umanoy “nauuso” na paghingi ng mga ahensiya ng gobyerno ng confidential and intelligence fund (CIF).
Ayon kay Senador JV Ejercito, bubusisiin nila sa darating na budget deliberation ang mga bagong ahensiya na humihingi ng CIF tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Agriculture (DA).
Inaasahan naman ni Ejercito na ang paghingi ng DICT ng CIF ay gagamitin sa kanilang cybercrime, dahil na rin sa bagong mga krimen na kinaharap ngayon dulot ng makabagong teknolohiya.
Kung sa cybercrime umano ito gagamitin ay justifiable dahil ang mga tinitira ngayon ng mga scammers ay mga vulnerable tulad ng kanyang anak na si Emilio na kamakailan lamang ay natangay ang kanyang savings ng ilan taon dahil na-scam.
Nakakalungkot umano na ang ilang taon na pinaghirapan na ipunin ay mawawala lamang dahil sa scammers.
Habang ang iba naman umanong ahensiya na tulad ng DA ay tatanungin nila sa budget deliberation kung bakit humihingi ng intel fund at ito ba ay para sa paglaban sa smuggling.
Ipinagtataka naman ng Senador kung bakit kailangan pa ng intel fund sa DA gayung alam naman nila at kilala ang mga smugglers subalit karamihan sa mga empleyado nito ay nagbubulag-bulagan lamang.
Habang ang Department of Education (DepEd) na nabigyan na ngayong taon ng intel fund para sa anti-indocrination ay kanilang tatanungin kung kailangan pa gayung sinabi na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na humina na ang rebelyon at recruitment sa mga eskwelahan.
Maging ang Office of the President umano ay kanilang tatanungin tungkol sa kanilang CIF at sa budget nito sa mga byahe ng Pangulo.