Sa pagbaba ng bilang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA), itinuturing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lupaypay at wala ng pangil ang mga ito.
Sa virtual press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni AFP Spokesman Medel Aguilar na tagumpay ang pamahalaan na sugpuin ang communist insurgency.
Mula 24,000, bumaba sa bilang na 1,800 ang mga miyembro ng NPA na nagsisilbing armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF).
Sa 1,800, nasa 400 ang target ng military operations at nahaharap ngayon sa kasong kriminal. Ilan dito ang NPA fighters at may posisyon.
Payo ni Aguilar, mas makabubuting bumalik na lamang ang mga ito sa kani-kanilang pamilya.
Una na ring sinabi ni AFP Chief Gen. Andres Centino, na mula internal security operations (ISO) magsasagawa na sila ng external defense operations (EDO).
Giit ni Medel upang makamit ang total victory kailangan na matigil ang political-military structure ng CPP-NPA-NDF. Sa pamamagitan aniya nito, hindi na makakapaghasik pa ng gulo at karahasan ang mga terorista.