Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa nitong Biyernes, Hunyo 23, na isang “nursing assistant” position na may salary grade nine o ₱21,129 ang iminungkahi para sa mga nurse na hindi pa nakakapasa sa Nursing Licensure Examination.
“There is now an opening for unlicensed where unlicensed nurses…we’re offering already a salary grade nine and so now we call a nursing assistant. So that’s been approved by the execom [executive committee] last Monday or Tuesday,” saad ng health chief sa isang media conference.
Sinabi rin ni Herbosa na hindi lubos na tutol ang Professional Regulation Commission sa pagkuha ng mga hindi pumasa sa board exam, bagkus ay lubos umano itong sumusuporta at tumutulong sa kaniya sa paghahanap ng mga paraan upang mapunan ang nursing vacancies.
Maliban dito, ang isa pang panukalang kanilang pinag-aaralan ay ang pag-amyenda umano sa Republic Act 9173, o ang Philippine Nursing Act of 2002, kaugnay ng “urgency” ng “brain drain situation”, partikular na dahil kailangan ng DOH ng maraming nurse para sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act.
Sa usaping pangkaligtasan, sinabi ni Herbosa na walang kinalaman ang lisensya dito kundi nakasalalay mismo sa mga ospital.
Hindi rin umano magiging pabigat ang mga walang lisensyang nurse sa kanilang mga supervising registered nurses, na kumikita ng ₱36,619 (salary grade 15) para sa entry-level, dahil nangangailangan umano ng pinakamataas na bilang ng mga healthcare worker ang mga ospital ng gobyerno dahil sa dami ng mga pasyente.
Nakatakda siyang makipagpulong kay Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma para pormal na talakayin ang mga solusyon sa usapin.
Aminado naman ang kalihim ng DOH na talagang mabigat ang trabaho ng mga nurse sa Pilipinas dahil kapos umano sa healthcase workers ang mga ospital.
“Bakit mabigat ang trabaho, kasi kulang nga sila. Isipin niyo yon, if you’re taking care of a hospital and kulang yung [plantilla] items mo, a nurse starts to take care of more patients so mabigat ang trabaho kasi may unfilled items eh. So iko-cover mo yung unfilled items so that the service continues,” ani Herbosa.
Bukod dito, inutusan din niya ang kaniyang koponan na lumikha ng isang online application na mali-link sa eGov Super App, kung saan madali umanong makahanap ng mga bakanteng trabaho ang mga lisensyadong nurse.