Ang mga online merchant ay dapat sumunod sa parehong tax requirement kagaya ng tradisyunal na mga operator ng tindahan at nagbebenta ng mga kalakal at serbisyo, sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa panayam ng dzBB, nilinaw ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. na ang paninindigan ng bureau ay naglalayong hikayatin ang libu-libong negosyanteng sangkot sa digital transactions na irehistro ang kanilang operasyon sa ahensya at tuluyang tuparin ang kanilang mga obligasyon sa buwis.
Ipinaliwanag ni Lumagui na ang mga online na negosyo ay mananagot para sa mga buwis sa kita, value-added, at porsyento, na tinutukoy batay sa kanilang kabuuang kita.
Gayunpaman, ang mga indibiduwal na may taunang kita na P250,000 o mas mababa ay hindi kasama sa pagbubuwis.
Ibinunyag din ni Lumagui na malapit nang maglabas ng guidelines ang BIR partikular na ang pagtugon sa mga responsibilidad sa buwis ng mga online traders.
Ang hakbang ang inilatag dahil maraming mga online na merchant ang hindi alam o binabalewala lamang ang kanilang mga obligasyon sa buwis.
“We will initially launch a nationwide information campaign to educate these taxpayers about their financial obligations and assist them in compliance,” ani Lumagui.
Idinagdag niya na ang bureau ay naglalayong tulungan ang mga nagbabayad ng buwis na tuparin ang kanilang mga tungkulin bago simulan ang malawak na pagsisiyasat upang makilala ang mga hindi sumusunod na indibidwal.