Sa loob lamang ng 20 minuto, inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang panukalang P2.3 bilyong pondo ng tanggapan ng Office of the Vice President (OVP).
Sa ginanap na pagdinig ng panel, nag-mosyon si 1st District Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro“ Marcos na tapusin na ang deliberasyon sa panukalang pondo ng tanggapan ni Vice Pres. Sara Duterte.
Ang hakbang ay bilang respeto na rin sa tradisyon sa Kamara bilang bahagi ng ‘parliamentary courtesy’ sa isang mataas na opisyal ng bansa.
Si Duterte ay dumalo sa pagdinig habang namuno naman dito si 2nd District Marikina City Rep. Stella Quimbo, Vice Chairperson ng Committee on Appropriations.
Tinangka pang pigilan ng Makabayan bloc na tapusin agad ang pagdinig sa OVP budget kaya nagkaroon ng botohan kung saan 21 miyembro ng Committee on Appropriations ang bumoto na tapusin na ang deliberasyon sa pondo.
Maging si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ay pinatayan na ng mikropono dahil sa pagpupumilit nitong kuwestiyunin ang confidential fund ni Duterte.
Una nang sinabi ng mga Makabayan bloc na kukuwestiyunin nila ang P1.25-M pondo ng OVP na umano’y inilipat sa confidential funds noong 2022.