Tinapyasan ng P1.3 bilyon ng House Committee on Appropriations ang P2.037 bilyong panukalang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Ayon kay Marikina City Rep. Stella Quimbo, Senior Vice Chairperson ng House Committee on Appropriations, bumoto ang mayorya ng mga miyembro ng komite na bawasan ang pondo ng OVP kaya P733 milyon na lamang ang matatanggap ng tanggapan ni Sara taliwas sa pahayag nitong kundi piso ay zero budget.
“Ang Committee on Appropriations has 139 members and with respect to the budget cut of the OVP, ito po ay naging unanimous decision among the members. At lilinawin ko rin po na hindi pa ito final approval ng Congress, ito po ay recommendation pa lang po ng Committee on Appropriations for the plenary,” ani Quimbo.
Tinanggal ang pondo sa mga social programs na ililipat na lamang sa mga karapat-dapat na ahensiya at maging ang sobra-sobrang satellite offices ng OVP na nasa 10 ang bilang at 2 extension offices na nasa P53 milyon ang pondo o P2.9 milyon bawat isa nitong nakalipas na taon ang gastusin. Binawasan ang pondo na mula sa P80-M ay ginawa na lang P32 milyon.
Mananatili naman ang personal services o suweldo ng mga empleyado ng OVP.
Itinakda sa Setyembre 23 ang debate sa plenaryo para sa panukalang pondo ng OVP.