Para mapigilan ang matinding epekto ng global inflation, ipinanukala ng administrasyong Marcos ang P112.8 bilyon budget para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa susunod na taon.
Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) sakop ng nasabing alokasyon ang education at health grants para sa tinatayang 4.4 milyon sambahayan bukod pa ang rice subsidies.
Inayos na rin umano ng administrasyon ang listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps at inalis na ang mga hindi iligible para makatanggap ng suporta at tumanggap na ng mga bagong batch ng mga benepisyaryo.
Noong Hulyo sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na patuloy ang pag-review nila ng mga benepisyaryo para malaman sino sa kanila ang “graduate” na sa programa.
Lumalabas sa datos na 1.3 milyon sambahayan ang na validate na at 196,539 ang naalis na sa listahan dahil sa ibat ibang kadahilanan.
Naisumite na nang Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang panukalang P5.768-Trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2024 na equivalent sa 21.7% ng Gross Domestic product (GDP) ng bansa at mas mataas ng 9.5% sa 2023 General Appropriations Act (GAA).