Aabot sa P7 bilyong halaga ng pinsala sa mga imprastruktura ang iniwan ng bagyong Egay at habagat, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinakamatinding tinamaan ang Cordillera Administrative Region (CAR) na nakapagtala ng P2.3 bilyong pinsala sa mga kalsada at tulay. Partikular na nasalanta ang lalawigan ng Abra na aabot sa P1.5 bilyon ang sinira.
Nananatiling sarado ang 16 bahagi ng mga kalsada at tulay dahil sa pagkasira dulot ng mudslides, landslides, pagbagsak ng mga bato at baha. Sa naturang bilang, 10 ang nasa CAR.
Nakapagtala naman ang Region 1 ng kabuuang pinsala na P1.1 bilyon, habang walong porsyon ng mga kalsada ang sarado sa trapiko.
Patuloy na sinusuri ng DPWH ang kabuuang pinsala at pinabibilis na umano nila ang pagkukumpuni at rehabilitasyon sa mga apektadong mga imprastruktura para maibalik na sa normal ang buhay ng publiko.
Bukod sa kilos at transportasyon ng publiko, malaki rin ang epekto ng mga saradong kalsada sa negosyo lalo na ang paglilipat ng mga pagkain at mga esensyal na produkto sa mga komunidad.