Mas pinadali na ngayon ng National Housing Authority (NHA) ang pagbabayad sa monthy amortization ng mga benepisyaryo ng pabahay ng pamahalaan.
Sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na bukod sa nakagawiang pagbabayad ng monthly amortization sa mga tanggapan ng NHA nationwide, maaari na ring magbayad ang mga benepisyaryo ng Pabahay ng NHA nang hindi umaalis sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng online applications katulad ng Maya, Green Apple, at Link.BizPortal.
Una nang lumagda sa kasunduan sina GM Tai at Maya Philippines Inc. Associate Director Marvin C. Santos para dito.
Upang makapagbayad sa NHA sa loob lamang ng ilang minuto, kailangang i-download ang Maya mobile application, gumawa ng sariling account, at makapagbabayad na ng buwanang amortisasyon gamit ang Beneficiaries Identification Number (BIN).
Bukod dito ay matatanggap din ng mga benepisyaryo ang mga abiso sa pagsingil at resibo ng binayad sa pamamagitan ng email o ng SMS.
Mula Marso 2023, nagagamit na rin ng mga benepisyaryo ng NHA ang serbisyo ng Green Apple Technologies and Systems, Inc. Sa pamamagitan nito, makapagbabayad ang benepisyaryo ng NHA gamit ang kanilang mga bank account tulad ng BDO, BPI, Metrobank, PSBank, RCBC, Security Bank, Union Bank, at iba pa.
Maaari ring magbayad dito gamit ang Gcash account. Ang serbisyong ito ng Green Apple ay maaaring gamitin saan man sa bansa ngunit limitado pa lamang sa proyekto ng NHA sa Region IV.