Inaprubahan na ng House Committee on Dangerous Drugs at House Committee on Health ang panukalang batas sa paggamit ng marijuana sa paggamot sa mga malalang karamdaman.
Sa press conference, inihayag ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ang mga panukalang batas patungkol sa medical cannabis o marijuana ay pinagtibay ng kaniyang komite at committee on Health.
Nilinaw naman ni Barbers na eksklusibo lamang ito sa paggamit sa medisina at hindi para sa recreational o pangliwaliw tulad ng mga sakit na insomnia, matinding pagkabalisa, kanser at iba pa pero dapat ay may preskripsyon ng mga accredited na mga physicians.
Ang sobrang preskripsyon ng medical cannabis ay may katapat namang kaparusahang P500,000 na hindi hihigit sa P1 milyon at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon.
Ang nasabing panukala ay sasailalim sa pagsusuri ng Mother Committee bago ito pagdebatehan.
Hindi naman pinahihintulutan dito na mag-export ng marijuana sakaling tuluyan na itong mapagtibay sa plenaryo ng Kamara.