Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kumplikado ang sitwasyon kaugnay sa posibleng pagkupkop ng Pilipinas sa mga refugee mula sa Afghanistan kaya pinag-aaralan pa ito ng gobyerno.
“Ibang usapan to kasi may halong politika may halong security. So medyo mas kumplikado ito…We’ll look at it very, very well bago gumawa ng desisyon,” pahayag ng Pangulo.
Kabilang aniya sa mga ikinokonsidera ang mga isyu na maaaring lumitaw sakaling magpasya ang bansa na tanggapin ang mga Afghan refugee.
Sinabi rin ni Marcos na wala naman silang deadline sa pagpapalabas ng desisyon.
Patuloy din aniya ang ginagawang konsultasyon sa mga kaibigan ng gobyerno sa United States.
Binanggit din ni Marcos ang mga nakaraang pangyayari kung saan tinanggap ng Pilipinas ang mga refugees na tinatanggihan ng ibang bansa.
“Many times has happened that there have been situations around the world and may mga nagkaka-refugee hindi tinatanggap, kahit saan, tayo tinatanggap natin. Hindi tayo kinakalimutan ng tinulungan natin. Ganyan talaga ang ugali ng Pinoy,” ani Marcos.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na unang hiniling ng US government sa Pilipinas na pansamantalang tanggapin ang mga refugee na tumatakas mula sa Afghanistan na pinamumunuan ng Taliban noong Oktubre 2022.
Sinabi niya na ang kahilingan ay para lamang sa pagpo-proseso ng mga espesyal na visa sa imigrasyon para sa mga Afghan at kanilang mga pamilya na dating nagtrabaho para sa gobyerno ng US at ang buhay ay nasa panganib.
Noong Hunyo, sinabi ng Pangulo na naghahanap sila ng paraan upang hindi ito malagay sa panganib sa seguridad ng bansa.