Naalarma ang ilang senador sa natuklasang pagpapadala ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa China para mag-training sa kanila ng alitan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Sen. Francis Tolentino, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, na kinumpirma sa kanya ng isang AFP official ang military exchange program sa China.
Ang nakakabahala pa umano hindi lang kadete ang pinapadala sa military academy ng China para mag- schooling kundi mga opisyal.
Hindi naman masagot ni Tolentino kung dapat na suspendihin ang naturang programa dahil hinihintay pa umano niya ang report mula sa AFP, subalit sa tingin ng senador matagal na ang nasabing kasunduan.
Subalit dahil mayroon umanong tension sa WPS, ay hindi na umano maganda na magpadala pa sa China ng mga opisyal ng AFP.
Tanong naman ni Sen. Raffy Tulfo, bakit nag-aaral doon ang ating mga militar gayong nasa gitna tayo ng patuloy na paglaban sa aksyon ng China sa WPS.
Giit ng Senador, malaking insulto at sampal sa bayan na nag-aaral sa China ang ating mga sundalo dahil nagkakautang na loob sa China ang ating mga military officers habang patuloy ang kanilang pambu-bully sa WPS.
Maari naman umanong sa ibang bansa dalhin ang mga military officials para doon mag-aral huwag lang sa China dahil maaari silang maimpluwensyahan at mag-iba ang takbo ng utak.
Iminungkahi ni Tulfo na dapat nang itigil o putulin ang anumang pakikipag-ugnayan ng bansa sa China sa military exchange.