Maaaring dumirekta sa International Criminal Court (ICC) ang pamilya ng mga biktima ng ‘war on drugs’ para magsumite ng kanilang mga ebidensya makaraan ang pagtanggi ng gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon, ayon sa isang abogado ng ICC.
“This investigation will move forward and ask for evidence,” ayon kay Kristina Conti, ICC assistant to counsel at secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers – National Capital Region.
Inaasahan niya na may mga hawak na kopya ng police at SOCO reports ang pamilya ng mga biktima na maaari nilang isumite sa ICC kasama ng kanilang testimonya upang magamit sa imbestigasyon.
Batid ni Conti na mahirap ang gagawing imbestigasyon lalo na ang pangangalap ng ebidensya. Mayroon umano na pamilya na wala kahit anong hawak na mga dokumento ukol sa pagkamatay ng kanilang mga kaanak.
Sa ngayon, kaya nila na magdala sa ICC ng nasa 7,000 dokumento na una nang isinumite ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng nakabinbin na mga kaso sa Supreme Court sa isyu ng Oplan Tokhang.
Hindi umano maaaring itrato na klasipikadong dokumento ang mga ‘drug war documents’ dahil sa naisumite na rin ito sa SC at hindi maaaring idahilan ang ‘national security’.
Sa datos ng gobyerno, nasa 6,181 ang nasawi sa higit 200,000 anti-drug operations sa bansa sa buong panahon ng ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit sa tantiya ng ICC prosecutors, nasa pagitan ng 12,000 hanggang 30,000 ang totoo umanong bilang ng mga nasawi.