Mahigpit umanong binabantayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lagay ng mga Filipino na naapektuhan ng wildfire sa Maui Island sa Hawaii.
Katuwang ni Marcos sa pagbabantay ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW). Inaalam na ng DFA at DMW kung ilang Filipino ang apektado sa sunog.
Nakahanda rin umano ang konsulado ng Pilipinas sa Honolulu na tulungan ang mga apektadong Filipino.
Maari rin silang tumawag sa 24/7 emergency hotline na +1808 253-9446 o sa opisyal na email account ng pamahalaan na honolulu.pcg@dfa.gov.ph.
“Kasalukuyang nakikipag-ugnayan din ang Philippine Consul General sa Hawaii sa mga lokal na awtoridad at Filipino community sa anumang bagong impormasyon patungkol sa insidente,” sabi ng Pangulo.
Nauna nang sinabi ng DFA na 50 Pinoy teachers sa Hawaii ang nakaligtas sa sunog at inaalagaan sa isang shelter ng Hawaii at US government.