Para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga paninda sa palengke, pinasuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng Local Government units (LGUs) ang koleksyon sa “pass-through fees” sa lahat ng uri ng sasakyan na nagdadala ng mga paninda at kalakal.
Sa tatlong pahinang Executive Order (EO) na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ipinatitigil ang koleksyon sa mga national roads at iba pang kalsada na hindi naman ipinagawa ng LGUs.
Kabilang sa mga ipinatitigil ni Marcos, ang koleksyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, mayor’s permit fees at iba pa.
Paliwanag ng Pangulo, nais niya na ibaba ang gastos sa food logistics para makontrol ang epekto ng inflation rate sa bansa.
“The unauthorized imposition of pass-through fees has a significant impact on transportation and logistics costs, which are often passed on to consumers, who ultimately bear the burden of paying for the increase in prices of goods and commodities,” saad pa sa EO.
Nakasaad pa sa kautusan na mahalaga ang pagtutulungan sa pagitan ng National Government at LGUs para epektibong matugunan ang epekto ng inflation at pag-promote ng economic prosperity sa lahat ng rehiyon.
Kasabay rin ng kautusan ng Pangulo ang pagbaba ng transport at logistics costs sa 8-Point Socieconomic Agenda ng kanyang administrasyon.
Ipinag-utos na rin ni Marcos sa Department of Interior and Local Government ang pagkalap ng kopya ng mga ordinansa ng mga LGU sa koleksyon ng pass-through fees bilang pagsunod sa EO.
Susuriin na rin ng DILG katulong ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Anti-Red Tape Authority, at Department of Finance (DOF) ang mga ordinansa kung sumusunod sila sa Local Government Code.