Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes, Hunyo 6, ang pagbaba ng inflation rate sa bansa nitong Mayo, at sinabing tanda ito na nasa tamang direksyon ang administrasyon patungo sa mas abot-kayang presyo ng mga bilihin.
Ibinahagi ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes na bumaba sa 6.1% ang inflation nitong buwan ng Mayo mula sa 6.6% na naitala noong buwan ng Abril.
“Batid namin ang inyong hangarin na magkaroon ng mas maginhawang pamumuhay, kaya’t patuloy nating pinalalakas ang mga pang-ekonomiyang hakbang ng pamahalaan,” ani Marcos sa kaniyang Twitter post.
“Unti-unti nating nakakamtan ang kaginhawaang ito sa pagbaba ng inflation rate sa apat na sunod-sunod na buwan at ngayong Mayo ay nasa 6.1% na. Tanda ito ng patuloy nating pagtahak sa tamang direksyon para sa mas abot-kayang presyo ng mga bilihin,” dagdag niya.
Sa isa namang video message, sinabi ni Marcos na isang “encouraging news” ang pagbaba ng inflation ngayon buwan at nangangahulugang tila tama naman daw ang kanilang ginawang mga polisiya upang mapasigla muli ang ekonomiya ng bansa.
“Ipagpatuloy natin ang ginagawa natin para naman makita natin na bumalik tayo sa magandang sitwasyon ulit,” ani Marcos.