Sa pagpapahayag ng kaniyang pakikiisa sa international community sa pagtataguyod para sa karapatan ng bawat indibidwal sa impormasyon, nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Hunyo 19, na lalabanan ng pamahalaan ang paglaganap ng “fake news” sa bansa at palalakasin ang Freedom of Information (FOI) bill.
Sa pagsasalita sa opening ceremony ng 14th Edition ng International Conference of Information Commissioners (ICIC) sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, muling pinagtibay ng Pangulo ang pangako ng Pilipinas na itaguyod ang “basic human right.”
“It (right to information) remains indelibly etched in our fundamental law,” ani Marcos.
“We value its potency to empower our people to make informed decisions to participate fully in our democratic processes, and hold their representatives accountable without fear or apprehension,” dagdag niya.
Bilang isa sa mga hakbangin ng gobyerno, nangako si Marcos na pagtitibayin nito ang FOI para labanan ang “misinformation” at “disinformation” sa bansa.
“Like everyone here, we too recognize as a matter of principle that fake news should have no place in modern society,” ani Marcos.
“As part of our efforts, we will undertake a massive Media and Information Literacy Campaign, which shall be digital, multi-media, and youth-oriented.”
Habang pinupuri ang mga pagsisikap ng ICIC sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga indibidwal sa pag-access ng impormasyon, nanawagan ang Pangulo sa lahat ng sangay ng pamahalaan na itaguyod ang FOI.
“I reiterate our call not only to the executive branch, but to all branches of government, to genuinely uphold and give effect to the people’s freedom of information in the course of our day-to-day operations, with good faith and with openness,” saad ni Marcos.
“Undeniably, this is to our best interest as a nation. It is a key to our pursuit of good governance, improved public services, and a more progressive and sustainable society,” dagdag niya.
Ang patuloy na pagsulong ng Pilipinas sa FOI sa pamamagitan ng isang whole-of-nation approach ay bahagi umano ng pangako nitong suportahan ang misyon ng ICIC.
Tiniyak din ni Marcos ang patuloy na kontribusyon ng kaniyang administrasyon sa pagtulak ng karapatan sa impormasyon, at binanggit ang mga hakbangin ng pamahalaan sa ilalim ng programang FOI.
Magdudulot umano ng magandang kahihinatnan ang inisyatiba ng E-Governance at ang pagsasabatas ng E-Governance Law sa teknolohiya at digital platform pagdating sa paglilingkod sa bawat indibidwal.
Sa unang pagkikita noong 2003, nagpulong ang ICIC bawat taon mula noon upang pagyamanin ang proteksyon at pagsulong ng “access to public information” bilang isang pangunahing haligi sa panlipunan, pang-ekonomiya at demokratikong pamamahala.
Ang Pilipinas ang naging unang bansa sa Timog-silangang Asya na nagho-host ng conference, kasunod ng Mexico (2005 at 2022), South Africa (2004 at 2019), United Kingdom (2017 at 2006), Chile (2015), Germany (2013 at 2003), Canada (2011), Norway (2009), at New Zealand (2007).