Na-flagged ng Commission on Audit (COA) ang Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa pagbili ng bullet proof Sports Utility Vehicle (SUV) na nagkakahalaga ng P7.8-M noong 2022.
Sa audit report ng COA, nabatid na bumili ang PCG ng isang unit ng Toyota Land Cruiser Prado 4.0 V6 Gas sa halagang P4,999,000 na may add-on cost na P2.8-M para sa bullet proofing.
Ang pondo na ginamit ay mula sa fuel rebates ng PCG sa Petron Corporation.
Bukod dito ay bumili pa ng karagdagang 31 brand new na Isuzu Mux LS-A 4×2 sa halagang P58.9-M mula rin sa naturang fuel rebates.
Sinabi ng COA na ang PCG ay may rebates na nagkakahalaga ng P163,210,601.08 mula 2018 hanggang 2022 at ginamit dito ang P148,230,716.18 para sa pagbili ng motor vehicles. Ang natitirang P14,979,884.90 ay hindi pa nagagamit.
Sabi ng COA na nakasaad sa 2018 Administrative Order No. 14 na ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno ay pinagbabawalan na bumili ng luxury vehicles para sa kanilang operasyon.
Ikinatwiran ng Coast Guard Staff for Logistics (CG-4) na ang Toyota LC Prado ay kinakailangan para matiyak nila ang ligtas na pagbiyahe ng kanilang Commandant sa pagtupad sa mandato nito sa kaniyang trabaho.
Gayunman, ayon sa COA ay umaabot na sa 459 ang kabuuang service vehicles ng PCG na sobra-sobra na para sa operasyon nito.
Hinggil naman sa pagbili ng bulletproof na SUV, sinabi ng COA na dapat ay pinaaprubahan muna ito ng PCG sa DBM bilang pagtalima sa Administrative Order No.14.