Pinag-iingat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Lunes ang publiko laban sa altapresyon o high blood pressure, lalo na ngayong napakainit ng panahon.
Ang paalala ay ginawa ng PhilHealth kaugnay ng pagdiriwang ng Hypertension Awareness Month ngayong Mayo.
Ayon sa mga health expert, ang altapresyon ay ang labis na pagtaas ng blood pressure na dumadaloy sa mga ugat ng isang tao o kapag ito ay umabot o mas mataas sa 140/90 mmHg (millimeters of mercury).
Kabilang sa mga maaaring dahilan ng pagkakaroon ng altapresyon ay edad, namana sa magulang, nakuha sa paninigarilyo, sobrang timbang, pagkain ng sobrang maalat at matataba, at kakulangan sa ehersisyo.
Sa survey na isinagawa ng Philippine Heart Association, nasa 12 milyong Pinoy ang mayroong altapresyon.
Sa naturang bilang, 65 porsyento ay alam ang kanilang kondisyon, 37 porsyento ang nasa gamutan (treatment) at 13 porsyento naman ay nakuha na ang tamang presyon ng dugo.
Upang matulungan naman ang lahat na makaiwas sa altapresyon, binigyang-diin ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr., ang kahalagahan ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta Package, ang pinalawak na primary care benefit para sa lahat ng Pinoy.