Malaki ang posibilidad na matuloy na ang joint patrol operations ng Pilipinas at ng Estados Unidos sa West Philippine Sea (WPS) bago matapos ng taong 2023.
Ito ang inihayag ni National Security Council assistant Director General Jonathan Malaya bagaman may mga logistical issues pa na dapat ayusin at lutasin bago ito masimulan.
Naniniwala ang opisyal na bago matapos ang taon ay masisimulan ang joint patrol operation.
“May mga ina-iron out pang mga issues but I don’t think these are insurmountable, I would think before the end of the year”, saad ni Malaya.
Sa isang national summit, inihayag ng mga government officials ang kahalagahan ng WPS at ang benepisyong maidudulot nito mula sa mayamang karagatan na nasasaklaw nito.
Nitong buwan ng Mayo, sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Manuel “Babe” Romualdez na ang joint patrols sa pagitan ng Manila at Washington sa WPS ay posibleng magsimula sa ikatlong quarter ng taon.
Matatandaang nagdesisyon ang Pilipinas at ang Estados Unidos na palawakin ang kooperasyon sa maritime security hindi lamang sa pamamagitan ng joint patrols.
Sa fact sheet na inilabas ng White House, nakasaad na sa ilalim ng deepening interoperability, ang layunin ay palawakin ang kooperasyon sa maritime security at maritime domain awareness, kasama rito ang patuloy na pagsasagawa ng combined maritime activities.
Nauna rito, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nag-alok ang China na magsagawa ng joint military exercises sa Pilipinas.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa umano ni Brawner ang alok na ipinakita sa kanya ni China’s ambassador Huang Xilian.
“They said they submitted some white papers, so we will have to study,” pahayag ni Brawner.