Pinag-iingat ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay ng pahayag tungkol sa foreign policy ng bansa.
Ito ay makaraang batikusin ng China ang ginawang pagbati ni Marcos sa nahalal na pangulo ng Taiwan na si Lai Ching.
Ayon kay Pimentel, dahil may pinasok tayo na One China Policy, dapat na patuloy natin itong sundin at kilalanin.
“Yes mag-ingat. Also because we (PH) chose to adhere to the one China policy. That’s our own decision hence our actions must match our official positions,” ani Pimentel.
Sarili aniyang desisyon ng gobyerno ng Pilipinas ang sumunod sa One China Policy kaya dapat ay tumutugon at naaayon dito ang opisyal na posisyon ng gobyerno.
Paliwanag pa ni Pimentel, pagdating sa bilateral relations at mga isyu sa People’s Republic of China, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat sumagot habang ang Manila Economic and Cultural office o MECO naman ang pwedeng gamitin sa pagtalakay sa mga usapin na may kaugnayan sa Taiwan.
Una rito, ipinatawag ng foreign ministry ng China ang ambassador ng Pilipinas sa nasabing bansa makaraang hindi magustuhan at kondenahin ang ginawang pagbati ng Pangulo sa nahalal na pangulo ng Taiwan.
Nagbabala rin ang China sa Pilipinas “not to play with fire” o huwag makipaglaro sa apoy matapos ang naging pagbati ng Pangulo.