Hinikayat ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang gobyerno ng Pilipinas na dapat humingi na ng suporta sa Estados Unidos sa isinasagawang resupply missions sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Carpio na panahon na para samahan ng mga barko ng US ang PCG kapag nagsasagawa ng resupply mission upang hindi maging agrabyado.
Dapat din umano na magtayo na ang Pilipinas ng mga sibilyang istruktura tulad ng lighthouse o marine reseach center sa Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre mula pa noong 1999.
Kasunod ito ng mga agresyon ng mga barko ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard, mga sibilyang sea vessel at iba pa na nagsasagawa ng resupply mission.
Ikinokonsidera umano ang resupply missions sa BRP Sierra Madre na military activity at labas sa hurisdiksyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kung muling haharang ang China, maaaring maghain muli ng reklamo sa tribunal kung kailan maaaring magkaisa ang international community para ipatupad ang desisyon na pabor sa Pilipinas.