Dahil sa dumaraming banta o external threats dulot ng lumalalang geopolitical tension sa Indo-Pacific, pinaghahanda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pilipinas.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela.
Ayon sa Presidente, nakakabahala na ng husto ang banta sa seguridad, dahil hindi naman maikakaila na malapit ang Pilipinas sa Taiwan kung kaya hindi ito maaaring pag-interesan ng China.
Kaya mahalaga aniya na maging handa ang pwersa lalo na sa parte ng norte ng Pilipinas.
“And that is why — the external threat now has become more pronounced, has become more worrisome. And that is why we have to prepare,” pahayag pa ni Pangulong Marcos sa mga sundalo.
Giit pa ng Pangulo, dalawa na ang mission ngayon ng mga sundalo hindi katulad noon na internal security lamang o panloob na seguridad lang ng bansa.
Ayon sa Pangulo, bukod sa reorientation ay kailangang mas maging matatag ang commitment ng liderato ng bansa upang ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.
Iginiit pa niya na kaya isasama ang Cagayan Valley region na maging isa sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at magkaroon ng collaboration sa Amerika na siyang closest military ally ng Pilipinas.
Muli ring binigyang diin ni Pangulong Marcos na hindi kailanman papayag ang Pilipinas na makuha ang kahit isang pulgada na pag-aaring teritoryo ng Pilipinas.