Muling pinanindigan ni US President Joe Biden ang pangako nila na depensahan ang Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ni Biden sa trilateral summit na nilahukan din nina Pangulong Ferdinand Marcos at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa White House sa Washington, DC.
Iginiit ni Biden na gagamitin ng Amerika ang Mutual Defense Treaty (MDT) para ipagtanggol ang bansa sakaling makaranas ito ng anumang pag-atake sa mga eroplano, sasakyang pandagat, o militar sa loob ng teritoryo nito.
Matapos ang trilateral meeting, nagkaroon ng hiwalay na pagpupulong sina Marcos at Biden.
Ang MDT o tratado sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay nilagdaan noong 1951 at nagsisilbing pundasyon ng mahigpit na kooperasyon sa seguridad sa pagitan ng dalawang bansa.
Mas pinalakas ito ng 1998 Visiting Forces Agreement (VFA), at ng 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), kung saan nagbibigay ang VFA ng legal na batayan at proteksyon sa katayuan para sa militar ng US at ang mga sibilyan nito sa Pilipinas sa opisyal na gawain.
Samantala, ang EDCA naman, sa kabilang banda, ay nagbibigay ng awtorisasyon sa mga puwersa ng US na magkaroon ng access sa mga napagkasunduang lokasyon sa Pilipinas sa rotational na batayan, para sa mga cooperation exercises at pinagsamang pagsasanay sa militar at aktibidades na may kinalaman sa pagtugon sa panahon ng kalamidad.