Nasungkit ng Pilipinas ang ikatlong puwesto sa mga bansang itinuturing na pinakaligtas sa buong Southeast Asia, ayon sa resulta ng Global Law and Order Report 2023 ng American analytics firm na Gallup.
Nabatid na nakakuha ang Pilipinas ng law and order index score na 86. Nanguna naman sa survey ang Vietnam na may score na 92 at pangalawa ang Indonesia, 90.
Batay sa pag-aaral, tinanong ang mga respondent hinggil sa kumpiyansa nila sa local police force at pakiramdam kung ligtas habang naglalakad nang mag-isa sa gabi.
Pagdating naman sa buong mundo, nakapasok ang Pilipinas sa ika-33 bansa na may mataas na score mula sa 140 mga bansang kalahok sa survey.
Ikinatuwa naman ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. ang report at sinabing magsisilbi itong gabay sa pulisya upang ipagpatuloy ang misyon nitong pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga komunidad.
Aniya, indikasyon lamang ito na mas tumaas ang tiwala ng taongbayan sa mga alagad ng batas.
Naniniwala si Acorda na malaki ang maitutulong nito upang mas marami pang investors at turista ang mahikayat na bumista sa bansa.
Binigyan-diin din ng PNP Chief, na matagumpay na napanatili ng Pambansang Pulisya ang kapayapaan at seguridad sa bansa dahil sa malaking suporta ng mga mamamayan.