Muling maghahain ng diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas matapos ang panibagong insidente ng banggaan ng barko ng China at Pilipinas sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni retired Vice Admiral Alexander Lopez, bagong tagapagsalita ng National Maritime Council (NMC) na bukod sa paghahain ng diplomatic protest, pinag-aaralan na rin ng PIlipinas na dalhin sa international body ang mga delikadong pangha-harass ng China sa Pilipinas.
Ayon pa kay Lopez, hindi maaaring ikasa ang “kinetic action” dahil wala itong mabuting idudulot sa dalawang bansa.
Sinabi naman ni Presidential Assistant on Maritime Concerns Secretary Andres Centino, isa sa mga international body na maaring idulog ang kaso ay sa United Nation bodies.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea, nasira ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Bagacay at BRP Cape Engaño matapos banggain ng barko ng China habang naglalayag sa Patag at Lawak Islands malapit sa Escoda Shoal.