Maaaring tanggalin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang boya o floating barrier sa Bajo de Masinloc na inilatag ng China.
Ito ang sinabi ni National Security Council (NSC) spokesperon Assistant Director General Jonathan Malaya sa Bagong Pilipinas Ngayon.
Paliwanag ni Malaya, ang Bajo de Masinloc ay napakalapit sa Zambales at nasa loob ng 200 nautical miles ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Tinukoy rin ng opisyal ang arbitral ruling na nagsasabing may karapatan ang mga mangingisdang Pilipino na malayang makapangisda sa naturang bahagi ng karagatan.
Samantala, sinabi naman ni PCG Commodore Jay Tarriela, na hindi maaaring basta-basta putulin ng PCG ang floating barrier na nasa 300-metrong haba dahil kailangan pa ng permiso mula sa national government.
“We have to clear it with the Department of Foreign Affairs and the Department of Justice and more importantly to seek guidance from the National Security Adviser himself,” saad pa ni Tarriela.
Ang naturang barrier ay inilagay para pigilan ang mga Filipinong mangingisda na makapasok sa Scarborough.
Nakunan umano nila ng ebidensya sa pamamagitan ng camera ang ginawang paglalagay ng floating barriers ng China. Nagpadala pa umano ang China Coast Guard ng 15 radio challenges para paalisin ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at mga bangkang pangisda ng mga Pilipino.
“All of this evidence will be presented to the Task Force West Philippine Sea. We have to be careful na walang magagawang diplomatic misstep ang Philippine Coast Guard,” paliwanag ni Tarriela.