Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipina na makaraang matuklasan na peke ang pasaporte na kaniyang ipinakita na kinalaunan ay inamin niya na nabili niya sa isang seller sa Tiktok.
Nahuli ang Pinay na itinago sa pangalang Josephine nitong Setyembre 5 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1. Paalis ng bansa ang babae na biktima ng trafficking at patungo sana ng Ercan, Cyprus.
Nagpakita si Josephine ng Belgian passport sa immigration officer. Dito napansin ng immigration officer na hindi consistent ang kaniyang mga pahayag kaya ipinasa siya sa ikalawang inspeksyon sa Duty Supervisor, na siya namang isinumite ang mga dokumento para sa forensic screening.
Nakumpirma sa laboratoryo na peke ang pasaporte ni Josephine, maging ang kaniyang residence card at immigration stamps. Ngunit nanindigan si Josephine na isa siyang Belgian citizen, pero nang aarestuhin na siya ay saka siya umamin na Filipino siya at dating OFW sa Israel.
Napa-deport siya sa Israel dahil sa pagtatrabaho ng walang balidong visa. Dito niya nakita sa isang Tiktok video ang isang seller na nag-aalok ng EU passports para sa ‘travel visa-free’ sa iba’t ibang bansa.
Nagbayad umano siya ng P700,000 para sa mga pekeng dokumento at pangako na makakapagtrabaho siya bilang caregiver sa Greece na may sahod na P180,000 sa isang buwan.
Ipinasa si Josephine sa kustodiya ng inter-agency council against trafficking (IACAT) para matulungan siya at makasuhan ang kaniyang recruiter.