Kinilala ng World Wide Fund for Nature (WFF)-Philippines ang malaking ambag ng Philippine Ports Authority (PPA) sa malinis at walang plastik na mga karagatan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “Clean Port, Clean Oceans Project” sa buong bansa.
Walang pagod ang PPA sa pagsisikap at commitment sa pagpapatupad ng mga operasyon na walang plastic sa pamamagitan ng pagpapahusay sa waste management capacity and collection, at zero plastic community sa 130 pantalan nito sa buong bansa.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, hindi dapat mag-aksaya ng oras sa pag-aambag upang wakasan ang pandaigdigang problema sa polusyon sa plastik.
“Here in PPA, we make sure our ports are eco-friendly and plastic-free,” lahad niya.
Ginanap ang awarding ceremony sa pangunguna ng DENR noong July 18, 2023.
Dinaluhan ito ni PPA Assistant General Manager for Finance, Legal and Administration Atty. Elmer Nonnatus Cadano, na nagbigay ng acceptance speech na nagsasaad ng partnership ng PPA at WWF sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding noong 2021.
Kasama sa mga pilot port kung saan ipinatupad ang proyekto ay ang Ports of Batangas, Manila North Harbor at Cagayan de Oro na nasa ilalim ng Port Management Offices ng Batangas, NCR North at Misamis Oriental/CDO.
Ilan naman sa mga interbensyon na pinasimulan sa mga pinamamahalaang pantalan ng PPA bilang bahagi ng proyekto ay ang pagpapakalat ng impormasyon, edukasyon at mga communication material tungkol sa mga kasanayan sa pamamahala ng basura; paglalagay ng mga upcycled waste bin para sa mga recyclable material sa loob ng Passenger Terminal Buildings; pagpapakilala sa “Trash-to-Cashback” Program na nagpapalit sa mga itinatapon na recyclable materials sa “environmental points”, na magagamit naman bilang pambayad ng utility bills, grocery items at food deliveries.