Tuloy ang pag-arangkada ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program ng pamahalaan sa Disyembre 31, 2023.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, wala nang makapipigil pa sa deadline para sa pagbuo ng kooperatiba o korporasyon ng mga jeepney drivers, bilang bahagi ng naturang programa.
Ito’y sa kabila ng mga kontrobersiyang kinasangkutan mismo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III.
Mariin ding pinabulaanan ni Bautista ang mga akusasyon laban sa LTFRB na umano’y nagkakaroon ng bilihan ng ruta ng jeepney, dahil kasama rin aniya sa pagkakaloob ng ruta ang plano rito ng mga local government units (LGUs).
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Bautista na hindi for sale ang mga ruta at ang prangkisa ay libre lamang.
Idinagdag pa niya na hindi nila ipi-phase out ang mga tradisyunal na public utility jeepneys (PUJs) ngunit kailangang ang mga ito ay compliant o tumatalima sa euro engine standard at pasok sa Philippine Standards ng Trade Industry.
Matatandaang una nang inakusahan si Guadiz ng kanyang dating executive assistant na si Jeff Tumbado, na sangkot sa bribery sa LTFRB, sanhi upang suspindihin siya ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Malaunan, binawi ni Tumbado ang alegasyon, na nagresulta ng pagkakabalik sa puwesto kay Guadiz.