Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabubuwag na ang komunistang grupo sa Northern Samar sa pagtatapos ng 2023.
Sa kanyang pagbisita sa Camp Sumoroy sa Catarman, Northern Samar nitong Biyernes, pinuri ni Marcos ang 803rd Infantry Brigade (IBde) ng Philippine Army sa kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Naniniwala ang Pangulo na hindi titigilan ng mga tropa ng gobyerno ang paglansag sa mga komunistang rebeldeng grupo.
“I just received the briefing on the success rate sa ating pagbuwag, sa ating pag-dismantle ng mga front, pag-weaken ng mga ibang front. And I was also given a very encouraging deadline that masabi natin that we will have dismantled all of the CTG (communist terrorist group) fronts by the end of the year and that is the result of your good work,” ani Marcos.
Naging instrumento ang 803rd IBde sa pagpapababa ng lakas ng mga rebelde sa rehiyon, sa pagsuko ng mahigit 6,200 na mga sympathizers at personalities, at pag disarma ng dalawang guerilla fronts sa Northern Samar.
Sa kabila ng mga nagawa ng brigada, pinaalalahanan ni Marcos ang mga sundalo na manatiling alerto at mapagbantay.
Hinimok din niya ang brigada na palakasin ang kanilang kontra-insurhensyang pagsisikap para kumbinsihin ang mga rebelde na magbalik-loob sa gobyerno.
Tiniyak niya na ang mga rebeldeng nagnanais na muling makisama sa lipunan ay makakakuha ng buong suporta at tulong ng gobyerno.
Hinimok din ng Pangulo ang mga tropa na ipagpatuloy ang kanilang mahigpit na koordinasyon sa komunidad upang matiyak ang tagumpay ng kampanya laban sa insureksiyon.