Balik-trabaho na sa Department of Justice (DOJ) si Secretary Jesus Crispin Remulla matapos sumailalim sa operasyon sa puso kaya lumiban muna siya sa trabaho ng 10-araw.
Sa pagharap niya sa media kahapon, inamin niya na layon ng kaniyang 10-araw na ‘wellness leave’ ang sumailalim sa ‘bypass surgery’ makaraang makitaan ng bara ang kaniyang puso sa kaniyang ‘physical examination’.
Tumagal umano ng pitong oras ang operasyon sa kaniya nitong Hunyo 27 para matanggal ang bara na maaaring maging dahilan ng atake.
Ipinagpasalamat ng kalihim na maagang nakita ang bara at sinabing suwerte na rin siya dahil sa kabila nito ay hindi siya inatake o na-stroke.
Nakalabas naman siya ng ospital limang araw makaraan ang operasyon at kailangan pang magpalakas sa bahay bago sumabak muli sa trabaho.
Sa kasalukuyan, sumasailalim pa rin siya sa ‘physical rehabilitation’ para mapabalik pa ang lakas ng kaniyang baga.
Iginiit din ng kalihim na maayos ang takbo ng kaniyang isipan at wala siyang intensyon na magbitiw sa puwesto.