Matapos ang 24 oras, pinalaya na sa detention facility ng Kamara si dating Presidential spokesperson Harry Roque matapos patawan ng contempt dahil sa pagsisinungaling sa Quad Committee (Quad Comm) ng Kamara.
Ang paglaya ni Roque kamakalawa ng gabi ay kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco matapos itong ipaabot sa kaniya ni House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas.
Si Roque ay nadetine noong Huwebes ng gabi matapos magsinungaling sa Quad Comm na mayroon umano siyang dadaluhang pagdinig noong Agosto 16 sa Manila Regional Trial Court (RTC) pero nadiskubreng hindi totoo.
Ikinatwiran naman ni Roque na “honest mistake” lamang ito matapos malito nguniy hindi ito tinanggap ng komite.
Ang mega panel ng Kamara ay nag-iimbestiga sa talamak na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na iniuugnay sa drug trafficking, paglabag sa human rights sa Extra Judicial Killings (EJKs).
Si Kabayan Partylist Ron Salo ang nagmosyon para ma-contempt si Roque matapos makakuha ng sertipikasyon sa Manila RTC na walang dinaluhang paglilitis si Roque ng nasabing araw manapa’ y bago pa magkaroon ng pagdinig.
Sa kaniyang facebook account muli namang binira ni Roque ang Quad Comm sa pagsasabing “demolition job” ang pagkukulong laban sa kaniya para hindi umano niya mapaghandaan ang maging legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling ituloy ng International Criminal Court (ICC) sa EJK sa madugong giyera kontra droga.
Nagbabala naman si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng Quad Comm na mahaharap sa mas mabigat na parusa si Roque kung muli itong gagawa ng ‘contemptible acts’ gaya ng muling pagsisinungaling sa megal panel ng Kamara.