Tinawag ni Sen. Risa Hontiveros si dating pangulong Rodrigo Duterte na traydor dahil sa pagpasok nito sa isang gentleman’s agreement sa China.
Kasabay nito, hinikayat din ni Hontiveros ang Senado na magsagawa ng malalim na pagsisiyasat sa sinasabing “secret deals” ng nakaraang administrasyon.
Palinawag pa ni Hontiveros, pareho nang kinumpirma nina Duterte at Chinese embassy sa Manila ang sinasabing gentlemen’s agreement at maituturing itong “treason” o pagtataksil dahil sa pagsusuko ng soberenya sa karapatan sa West Philippine Sea (WPS).
Iginiit pa niya na ang isang fake agreement ang usapan ng dalawa at binibigyan lang nito ng pakinabang ang Beijing na igiit ang wala nilang basehan na pag-aangkin sa ating teritoryo.
Tinawanan naman ni Hontiveros ang sinabi ng dating pangulo na ang nasabing agreement ay hindi nagkompromiso sa teritoryo ng bansa, gayung ang kanilang usapan ay pagbabawal sa pilipinas na i-repair ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kung saan ito ang military outpust ng bansa para mapigilang makapasok ang China.
Idinagdag pa ng senadora na mabubulok at lulubog ang Sierra Madre kapag hindi ito inayos kaya mawawalan ng pag-aangkin ang bansa sa nasabing teritoryo kapag hindi inayos ang naturang barko.
Kaya giit pa ni Hontiveros, dapat na imbitahan sa senado si Duterte para magbigay linaw sa sinasabing secret deal sa sandaling mai-refer na sa kaukulang komite ang kanyang inihain na resolusyon.
Isa pa anya na dapat tingnan ay ang pinasok na fishing deal ni Duterte noong 2016 kay Chinese President Xi Jinping na pumapayag ito na mangisda sa karagatang sakop ng Pilipinas ang mga Chinese.