Sukdulang pumatay, iniutos umano ni dating PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na burahin o linisin ang illegal na droga sa Albuera, Leyte at Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ayon kay Lt. Col. Jovie Espenido sa Quad Committee ng Kamara, noong umupo siya bilang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte tinawagan siya ng noo’y PNP chief at inatasan na isakatuparan ang nasabing misyon.
“Ang instruction lang na tulungan mo ako Jovie, at saka si President Duterte, about this war against illegal drugs, so dapat galingan mo ah, ikaw ang i-assign ko as chief of police ng Albuera, so dapat mawala na ‘yong mga drugs sa Albuera.’ So your honors, ‘yon ang natandaan ko,” ani Espenido, 28 taon sa serbisyo at kasalukuyang nasa floating status sa Eastern Visayas Police.
Sabi niya para sa mga kapulisan malinaw ang utos dahil gumamit ng mga salita at termino na lengguwahe ng mga pulis.
“Your Honor, Mr. Chair, isa lang ang general word na ibigay, lahat alam na namin ang isang meaning din. ‘Pag sabi na mawala, kasali na ‘yong mamatay, that is very very obvious of us …,” saad pa ni Espenido.
Pinalinaw din ni Chua ang sagot ni Espenido kaugnay ng pagpatay sa mga drug personalities. “Pag sinabi po sa inyo na mawala, kasali na ‘yung mamatay, tao po?” na tinugon naman niya ng ‘By all means your honor, exactly po’.
Humingi naman si Espenido ng executive session upang detalyadong maibahagi ang naging pag-uusap nila ni Dela Rosa dahil sa sensitibong mga impormasyon.
Ayon pa kay Espenido, nagawa niyang mabuwag ang sindikato ni Kerwin Espinosa pero siya pa ang pinatawan ng isang buwang suspensyon at inakusahang tumanggap ng pera kapalit ng pagbibigay ng proteksyon sa bentahan ng iligal na droga.
Inusisa naman ni Misamis Occidental Sancho Fernando “Ando” Oaminal kung ano ang pagkaintindi niya sa kaniyang naging assignment sa Ozamiz City.
Sa operasyon sa Ozamiz City ay napatay naman si dating Mayor Reynaldo Parojinog at 14 iba pa kabilang ang kaniyang misis noong Hulyo 2017.