Itinaas pa ng Senate Committee on Finance ang budget ng Commission on Elections (Comelec) sa P27.6 billion para sa susunod na taon.
Sa budget deliberation, tinukoy ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mula sa P27.3 billion na proposed 2024 budget ng Comelec sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), binawasan pa ito sa bersyon ng Kamara ng P200 million subalit ang Senado naman ay binigyan ang komisyon ng P500 million na dagdag sa kanilang pondo.
Sinabi naman ni Sen. Imee Marcos, sponsor ng Comelec budget sa plenaryo, na umaasa ang komisyon na ma-i-restore sa pondo kahit ang P5.96 billion para hindi makompromiso ang paghahanda sa 2025 elections.
Para naman sa pondong kakailanganin sa 2025 national at local election, tinatayang aabutin ito ng P39.68 billion kung saan P22.9 billion dito ay para sa paghahanda sa halalan.
Inaasahang tataas din ang bilang ng mga botante sa 2025 na aabot sa 71 million kaya mangangailangan din ng pondo para sa dagdag na presinto.
Kasama naman sa pondo sa 2024 ang P19.8 billion para sa upa ng 116,000 vote counting machines (vcms) na nasa P155,000 ang isa at ang contingency para sa 11,000 vcms.
Bahagi na rin ng nasabing pondo ang procurement para sa mga ballot boxes, ballot printing papers at SD cards.
Kinakailangan na kasing makapag-procure o makabili ng kagamitan ang Comelec sa susunod na taon bilang paghahanda sa 2025 elections.