Kinalampag ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Public Works ang Highways (DPWH) at hiniling na aksiyunan ang reklamo ng mga environmentalist at business group na kumokontra sa pagtatayo ng P23-billion Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Bridge.
Ayon kay Hontiveros, tinalakay niya ang isyu sa deliberasyon ng DPWH budget noong 2023 matapos marinig ang reklamo ng mga maaapektuhan ng nasabing proyekto.
Aniya, ibahin ng DPWH ang disenyo ng proyekto bukod sa dapat magsagawa rin ng konsultasyon sa iba’t ibang stakeholders.
“I asked the DPWH about it during the last budget hearing and they promised to do an environmental impact study. The oppositors have pointed out that there’s an alternative site for the project,” ayon sa senadora.
Sabi ni Hontiveros, kontra ang iba’t ibang grupo sa naturang proyekto dahil sa maging epekto nito sa kalikasan partikular sa coral reefs at mangrove areas sa Samal Island.
Sa isang pag-aaral ng isang Japanese group, mas makakabubuti umanong kung ililipat ang landing site ng tulay sa government-owned property sa Davao side.
Ang SIDC ay isa sa mga pangunahing infrastructure projects na national government ng dating Duterte administration.
Itinatayo ang proyekto sa Brgy. Limao sa Island Garden City ng Samal, at Brgys. Vicente Hizon, Sr. Angliongto at R. Castillo sa Davao City.
Sinasabi ng mga environmentalist na ang SIDC bridge foundation sa bahagi ng Samal ay makakasira sa malaking bahagi ng isla, na isang mangrove swamp forest reserve, kaya idineklara ito bilang isang “protected area.”