Kahit na inalis na ang state of public health emergency sa bansa, maaari pa rin maghain ng sick leave at iba pang benepisyong medikal ang mga empleyado na magkakaroon ng COVID-19.
Ito ay matapos payuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang employers at employees na magkasundo sa probisyon ng sick leave benefits, access sa medical insurance coverage gayundin sa iba pang assistance habang naka-isolate ang isang empleyado.
Hinikayat din ng DOLE ang mga employer na magbigay ng bayad na COVID-19 leave para sa vaccination maliban na lamang kung mayroong mas pabor na umiiral na company policies at provisions sa collective bargaining agreement.
Giit ni Labor Secretary Beinvenido Laguesma, para masiguro ang kaligtasan at healthy working conditions, dapat i-promote ng mga employer ang pagbabakuna sa kanilang mga empleyado kabilang na rin dito ang contractors deployed workers at kanilang mga pamilya.
Nilinaw naman Laguesma na ang mga empleyado na tatanggi o mabibigong magpabakuna ay hindi makakaranas ng diskriminasyon laban sa terms of tenure, promotion at iba pang benepisyo.
Inaatasan naman ang mga kumpanya na magreport ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lokal na pamahalaan at magsumite ng annual medical reports sa DOLE.