Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng P0.7213 kada kilowatt hour (kWh) na tapyas sa singil sa kuryente ngayong Hulyo.
Dahil sa bawas-singil, ang overall electricity rate ng isang typical household ay aabot na lamang sa P11.1899/kWh mula sa P11.9112/kWh noong nakaraang buwan.
Ayon sa Meralco, ang bawas sa singil ay dulot ng pagbaba ng presyo ng kuryente mula sa mga suppliers o generation charge, gayundin ng charges ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), power supply agreements (PSAs) at mga independent power producers (IPPs) at maging sa transmission at other charges, kabilang na ang taxes at subsidies na nakapagtala rin ng net reduction.
Ang naturang bawas-singil ay katumbas ng P144 na bawas sa bayarin ng mga kostumer na kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; P216 tipid sa mga nakakagamit ng 300kwh; P288 sa 400kwh at P360 sa 500kwh kada buwan.
Kaugnay nito, nanawagan din naman ang Meralco sa kanilang mga kostumer na mag-aplay ng lifeline discounts, kasunod ng pag-amiyenda sa rules para sa kanilang Lifeline Rate program.
Kabilang sa mga kuwalipikadong mag-aplay dito ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o mga miyembro ng marginalized sector na nakakuha ng sertipikasyon mula sa lokal na social welfare and development office.