Maaari umanong magkaroon ng pagbaba ang presyo ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Agosto.
Ito’y bunsod na rin umano ng mas mababang generation costs, demand at paglakas ng piso.
“We are optimistic that these factors would be enough to bring down the overall electricity rate for this month,” abiso pa ng Meralco.
Ayon sa Meralco, bagama’t hindi pa nila natatanggap ang pinal na billing mula sa suppliers, inaasahan na nila ang posibleng pagbaba ng generation charge ngayong buwan.
Naobserbahan na rin umano nila ang pagbaba ng demand sa nakalipas na supply month, na maaaring magresulta sa mas mababang presyo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Inaasahang makakatulong din ang pagtaas ng halaga ng piso upang mahila pababa ang presyo ng generation charge.
Noong Hulyo, tinapyasan ng Meralco ang kanilang household rate ng P0.7213 per kilowatt-hour (kWh).
Sanhi nito, ang overall rate para sa typical household ay bumaba sa P11.1899/kWh mula sa dating P11.9112/kWh noong Hunyo.