Mula sa naibubugang maruming usok ng mga sasakyan ang smog na nararanasan sa malaking bahagi ng Metro Manila at hindi dahil sa aktibidad ng bulkang Taal.
Ito ang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources’ Environmental Management Bureau batay sa air quality monitoring data na nagpapakita ng heightened alert sa ilang bahagi ng Metro Manila dulot ng usok na nailalabas ng mga sasakyan sanhi ng matinding vehicular traffic lalo na kung rush hour.
Kaugnay nito, niliwanag din ng Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) na ang volcanic smog mula sa Taal ay napapadpad sa west-southwest direction at malayo sa direksiyon ng Metro Manila.
Sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum na ang smog sa Metro Manila at volcanic smog sa Taal ay walang kinalaman sa isa’t isa dahil ang smog sa Metro Manila ay likha ng “thermal inversion,” at ang smog sa Taal ay volcanic gas.
“The temperature, the air, as it goes higher in the atmosphere, should be cooler, but the cool air is currently at a higher altitude,” dagdag ni Solidum.
Una rito, nagpayo si Solidum sa publiko na magsuot ng mask kung lalabas ng tahanan upang hindi maapektuhan ng smog ang kalusugan ng katawan.