Binalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko laban sa pekeng social media post na nag-aalok ng educational assistance mula sa naturang ahensya.
“Nais ipagbigay-alam ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan na huwag agad maniwala sa mga online post na hindi inilabas ng mga opisyal na social media account ng DSWD,” anang ahensya.
Tinukoy ng ahensya ang kumakalat na post mula sa website na “Tescholarship.com” na may poster na nagsasaad ng “DSWD Educational Assistance Open Now to Apply.”
“Nais linawin ng Kagawaran — WALA itong katotohanan. Ang DSWD ay HINDI pa tumatanggap ng mga aplikasyon para sa Educational Assistance. Paalala sa publiko, iwasan at huwag tangkilikin ang mga paanyaya at mga maling impormasyon buhat sa mga site na walang pahintulot mula sa DSWD,” pagbibigay-diin ng ahensya.
“Upang maging updated sa mga programa ng DSWD, bisitahin lamang ang opisyal na website sa https://www.dswd.gov.ph at sundan ang mga opisyal na social media accounts na Facebook, Twitter, at YouTube sa @dswdserves at Instagram sa @dswdphilippines,” dagdag pa ng ahensya.