Umabot na ng halos isang araw ang pag-apula ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog sa Manila Central Post Office.
“Maraming apoy pa at may mga baga pa, kasi ang yari ng kahoy sa post office ay mga lumang kahoy ng narra at molave so mahirap po talagang apulahin yung mga ganyang klaseng kahoy,” paliwanag ni BFP-NCR Chief Supt. Nahum Tarroza.
Bandang alas-7:25 ng gabi ay inakyat pa ng mga bumbero ang pinakamataas na palapag ng post office upang apulahin ang pasulpot-sulpot na apoy.
Sa report ng BFP, nagsimula ang sunog sa basement ng gusali bandang 11:41 ng gabi nitong Linggo.
Pasado alas-4 ng madaling araw ng Lunes nang ideklara ang Task Force Alpha, bago pa itaas sa general alarm ng ala-5:54 ng umaga.
Ang general alarm ang pinakamaataas na alarma, kaya naman lahat ng bakanteng fire truck sa Metro Manila at kalapit na lugar ay kinailangan na ring rumesponde.
Tiniyak naman ng Manila City government na hindi tatayuan ng ibang establisyimento ang lugar.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.