Ikinokonsidera ngayon ng administrasyong Marcos ang ilang mga alternatibo sa price ceiling sa bigas, kabilang ang posibilidad na tapyasan ang taripa sa importasyon ng bigas.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na sa kabila ng mga panawagan na tanggalin na ang price ceiling, maaari lamang itong maisagawa kung makakakita na sila ng mas mabuting alternatibo.
Matatandaan na pinirmahan ngayong buwan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 39 na nagtatakda ng price celing sa regular milled na bigas sa P41 kada kilo at P45 kada kilo naman sa ‘well-milled’ na bigas. Ito ay upang makontrol ang pagtaas pa ng presyo ng bigas sa lokal na merkado.
Ayon kay Balisacan, magpupulong sila ng Pangulo sa lalong madaling panahon para magrekomenda sila ng ibang mga opsyon.
Sa pagkaltas sa taripa ng importasyon, sinabi ng opisyal na poprotektahan naman umano nila ang mga lokal na magsasaka para hindi matabunan ang kanilang ani ng mga imported na bigas.
Isinisi niya ang mataas na presyo ng bigas sa export ban ng ilang pangunahing rice exporters tulad ng India, habang nais rin ng Thailand at Vietnam na protektahan ang kanilang mga produkto kaya may potensyal na magbawas rin sila ng exports.
Isa si Finance Secretary Benjamin Diokno na nagpakunala na pansamantalang bawasan ang taripa sa rice importation hanggang 10 percent.