Nananawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kakandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na tanggalin na ang kanilang mga posts sa Tiktok at sa iba pang social media platforms na may kaugnayan sa halalan upang hindi madiskuwalipika.
Pinaalala ni Comelec Chairman George Garcia na maikukunsidera na isang uri ng pangangampanya ang mga posts sa social media dahil sa ipinagbabawal pa ang mga ito sa ngayon. Makikita kasi na nagkalat na ang mga posts ng mga litrato ng mga kakandidato at maging mga line-up ng mga tatakbo sa barangay sa social media sa ngayon.
Sa kabila na walang kakayahan ang Comelec na mabantayan ang lahat ng social media posts, maaari naman itong magawa ng kanilang mga kalaban na siyang puwedeng magsumbong sa kanila at magsampa ng disqualification case. Dahil dito, hinikayat niya ang mga magkakalaban sa eleksyon na magbantayan sa mga social media accounts.
Sinabi ni Garcia na maging siya ay boboto na madiskuwalipika ang mga kandidato na hindi makikinig at patuloy ang social media postings kahit hindi pa sumasapit ang campaign period na mula Oktubre 19 hanggang 28.
Tatanggapin din nila ang mga disqualification cases laban sa mga kaanak ng mga elected national at local officials na magtatangka na tumakbo sa SK ngayong halalan.