Mas maraming Pilipino na ang lubos na nasisiyahan sa pagganap o performance ng Senado ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Batay sa non-commissioned Pulso ng Pilipino nationwide survey ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER) na isinagawa simula Hunyo 23 hanggang Hunyo 30, nagposte ng positibong grado ang Senado ng Pilipinas kaugnay ng napakahusay na trabaho ng mga senador sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa survey, nagtala ng +83% satisfaction rating ang Senado dahil sa 90% na nagsasabing lubos silang nasiyahan sa pagganap ng mga senador sa kanilang tungkulin.
Malayung-malayo ito sa 7% lamang na nagsabing hindi sila nasisiyahan habang 3% ang hindi nagbigay ng sagot.
Binanggit sa survey kung sinu-sino ang mga top performing senators o ‘yung mga mambabatas na humila pataas at nagbigay ng magandang rating sa Senado:
Sila ay sina Senators Raffy Tulfo na binigyan ng madlang pipol ng pinakamataas na 73% rating; Loren Legarda (67%), Migz Zubiri (63%), Imee Marcos (59%), Bong Go (59%) at Francis “Tol” Tolentino (56%).
Ang nasabing anim ang itinuturing ng mga respondent bilang nangungunang mga senador sa nakalipas na taon.
Sinabi pa sa survey na karamihan ng rehistradong botante ay tiyak na pupunta sa kani-kanilang presinto para iboto ang kanilang mga pinapaborang kandidato sa halalang gaganapin sa Mayo 12, 2025.
Ilan sa kasalukuyang senador, gaya nina Sens. Go at Tolentino na kabilang sa top performer sa Senado, ang sinasabing nakatitiyak uli ng posisyon sa tinatawag na “Magic 12” sa darating na midterm elections.