Hinikayat ni Senador Imee Marcos ang Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA) na paigtingin pa ang pagmo-monitor sa presensya US military planes sa mga paliparan sa bansa at kung pinalalala ito ang tensyonadong sitwasyon sa China Sea at Taiwan Strait.
Bukod dito, sinabi pa ni Marcos na dapat din timbangin ng DND at DFA ang panganib na dulot ng paglapag ng mga US aircraft sa kaligtasan ng publiko.
Kasabay nito, muling kinuwestyon ng Senador ang panibagong presensya ng ilan pang C-17 Globemaster ng U.S Air Force sa Maynila na lumapag dakong alas-6:03 ng umaga noong Biyernes mula sa Andersen Air Force Base sa Guam.
Nagtungo pa umano ito bago mag-ala 1 ng hapon at saka dumiretso sa Yokota Air Base sa Fussa, Japan bandang hapon.
Bagamat madalas na nawawalan ng signal ang eroplano habang bumibiyahe ito, nairekord umano ng flight tracker na Flightradar 24 ang pag-alis nito mula sa Palawan bago mag alas-4 ng hapon, oras sa Maynila, at ang pagdating nito sa Yokota bandang 9:30 p.m., oras sa Japan.
Ipinakikita umano ng flight route nito mula Palawan ang pagdaan nito sa ibabaw ng Pampanga, Cagayan, at sa silangang baybayin ng Batanes at Taiwan bago tuluyang lumapag sa Yokota Air Base.
Napansin din ng mga pasahero ng mga commercial flight na paalis at papunta ng NAIA ang dalawang US military plane malapit sa runway na kanilang ibinahagi sa opisina ni Marcos.
Isang C-17 na may flight code RCH323 na umalis ng Tokyo noong Biyernes ng gabi ang naispatan sa hilaga ng Busuanga kinabukasan, araw ng Sabado, pasado alas-10 na ng umaga.
Subalit hindi ito nasubaybayan hanggang kinahapunan at nakita na lang ito na patungo na sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Pilipinas lampas alas-6 ng gabi.
Giit ni Marcos, bagamat may foreign military exercises ngayong buwan ay dapat na maging patas ang pagsubaybay sa ating maritime territory at Exclusive Economic Zone (EEZ).