Pinagsabihan ng US State Department ang gobyerno ng China na iayon ang kanilang mga ‘maritime claims’ sa umiiral na international laws at itigil ang ginagawang ‘routine harassment’ ng kanilang mga barko sa mga sasakyang pandagat ng ibang claimant ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Bukod sa pagsunod sa 1982 Law of the Sea Convention, sinabi ni US Department of State Spokesperson Matthew Miller na dapat itigil ng Beijing ang pagpigil sa eksplorasyon, konserbasyon, at pamamahala ng ibang nasyon sa likas na yaman sa karagatan at wakasan ang kanilang pakikialam sa kalayaan sa paglalayag at paglipad.
Sinabi pa niya na patuloy na makikipag-ugnayan ang Estados Unidos sa kanilang mga kaalyado at partners para mapanatili umano ang malaya at bukas na Indo-Pacific, na rumerespeto sa international laws.
Noong Hulyo 12, 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na walang basehan sa batas ang claim ng China sa umano’y ‘historic rights’ nila na ‘nine-dash line’, na halos sumasakop na sa buong South China Sea.
Tumanggi naman ang China na kilalanin ang naturang desisyon.
Bukod sa China at Pilipinas, ang ilan pang claimant sa mga teritoryo sa South China Sea (West Philippine Sea) ang Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam.
Samantala, muling pinagtibay ng EU at 16 pang bansa ang kanilang suporta sa 2016 Arbitral Ruling na nagpawalang-bisa sa pag-angkin ng China sa South China Sea.