Tila hindi nabahag ang buntot sa pambu-bully ng China, agresibo na rin umanong nagtatayo ngayon ang Vietnam ng permanenteng istraktura sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Sa Kamara, patuloy namang isinusulong ni 2nd District Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na ipagtanggol ng gobyerno ang soberenya at integridad ng WPS.
Base sa dokumentong pinamagatang “Planning of Construction Projects on Pearson Reef and Pigeon Reef in Spratly Islands,” na nilagdaan ni Rear Admiral Tran Thanh Nghiem, Commander sa Vietnam People’s Navy na may petsang Marso 27, 2023, sinasabing kumuha na ng isang pribadong kontraktor ang Vietnam para sa itinatayong istraktura nito bilang bahagi ng militarisasyon sa lugar.
Base sa report kabilang sa planong pagtayuan ng artipisyal na isla ng Vietnam ay ang Hizon (Pearson) Reef; Pigeon (Tennet) Reef at Maskardo (Barque Canada) Reef. Ang nasabing mga isla ay kabilang din sa kini-claim ng Pilipinas dahil nasasaklaw ito ng 200 miles Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ang Hizon at Pigeon ay kabilang sa mga reef sa Spratly Islands. Bukod sa Pilipinas, ang China, Taiwan at Vietnam ay kabilang sa mga claimants sa naturang reefs.
Noong 1978 ay iginiit na ng Vietnam na claimant din sila ng Hizon at Pigeon noon namang 1988. Sa dokumento, ang mga Vietnamese ay nagtatayo na ng instalasyon ng militar at civilian residential housing area sa nasabing teritoryo.
Kaugnay nito, hinikayat ni Rodriguez ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na paigtingin ang pagbabantay sa teritoryong nasasaklaw ng bansa sa WPS.
Una nang nanawagan si Rodriguez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa WPS na hinikayat ding ipakita sa China na dapat itong sumunod sa ruling ng Permanent Court of Arbitration na nagpapawalang bisa sa pagpapalawak ng Beijing sa territorial claims nito sa South China Sea.