Walang matatanggap a “blood money” ang napatay na OFW na si Jullebee Ranara.
Paliwanag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, ang “blood money” ay hindi applicable sa kaso ni Ranara dahil mababa lang ang naging hatol sa 17-anyos na suspek.
Matatandaan na hinatulan ng Kuwait Juvenile Court ang suspek ng 15 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay kay Ranara at karagdagang isang taon para sa pagmamaneho ng walang lisensya.
Idinagdag pa ni De Vega na sa simula pa lamang hindi talaga maaaring hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang suspek dahil sa pagiging menor-de-edad nito. Hindi rin anya nagkaroon ng whitewash at naging napakabilis ng paghatol sa suspek.
Bagamat hindi naman umano applicable ang blood money ay dapat mayroon pa rin moral damages o restitutionary damages o kahit anong bigay nilang damages ay nakakulong pa rin sila.
Nauna nang nakausap ng DFA ang pamilya ni Ranara tungkol sa naging hatol sa suspek, subalit nakukulangan pa rin sila sa 15 taon na ipinataw kay Turki Ayed Al-Azmi.
Giit ni De Vega, ang sentimyento kasi ng pamilya ay buhay ang nawala at hindi na maibabalik ang buhay ni Jullebee kaya inaasahan ng mga ito na sana ay habambuhay na pagkakabilanggo ang naging hatol.